Sunday, November 22, 2009

MGA PUWEDENG ISUNOD NA MGA PROYEKTO NG GRUPO MO (Konklusyon):
Makikita sa mga posibleng industriyang ito na kayang-kaya ng mga Pinoy na tapusin ang malawakang kahirapan sa Pilipinas. Iyan ay kung matututo ang masang empleyado, manager at entreprenor na bumuo ng mga higanteng grupo na ang target ay pagnenegosyo nang pang-mundo at pandaang-taon. Kapag ang target ay matagalang negosyong pang-mundo, mawawala ang ‘kulturang alimango’ ng mga Pinoy kung saan naghihilahan sila pababa dahil kakaunti ang puwesto sa taas. Kapag pawang pang-mundo ang mga lokal na negosyo, walang katapusang trabahong pang superbisor, manager, lab researcher, consultant, propesyonal, espesyalista at iba pang may mataas na suweldong puwesto ang malilikha sa higit isandaang bansa para sa mga Pinoy. Hindi na kailangang magsikuhan ang mga Pinoy para sa iilang puwesto.
Mababawasan din ang sobra at sabog na direksyong pulitika kapag malaki ang kita ng masa sa pang-mundong negosyo pagka’t kaunti na lang ang magsisiksikan sa puwestong gobyerno. Maeengganyo ang masang Pinoy na maging direktang gobyerno sa tulong ng internet upang matapos na ang korapsyong tila walang solusyon sa Pilipinas. Isasabatas ng ‘gobyerno ng masa’ ang probisyong ilang daan o ilang libong pinuno ng malalaking grupong propesyonal ang mag-aaprub ng milyon o bilyong kuntratang-gobyerno. Kapag daan-daang ekspertong pawang may mataas na suweldo sa pribadong kumpanya ang pipirma para sa gobyerno, walang suhulang mangyayari.
Sa kasalukuyan, ang lahat ng kaunlarang ito ay mag-uumpisa kung gagawa ng paraan ang masa upang ipatupad ang isang Batas Pautang sa Masang Entreprenor. Ang batas na ito ay pupwersa sa gobyerno na ipautang ang 10% ng buwis at utang-gobyerno (higit P140 bilyon taun-taon) sa mga pang-mundong joint venture companies na itatayo ng malalaking grupong Pinoy. Ang batas na ito ay magkakalat sa mga Pinoy sa buong mundo hindi bilang mga tagapagsilbing mababa ang suweldo kundi bilang mga superbisor, manager, entreprenor, inhinyero, arkitekto, imbentor at espesyalista ng mga pang-mundong kumpanya.
Pinatunayan ng mauunlad na bansa na ang paglikha ng trilyong dolyar na taunang yaman ay nagsisimula sa pang-mundo at pandaang-taong mga negosyo. Samakatuwid, ang solusyon sa matinding kahirapan sa Pilipinas ay hindi ang paglipat ng yaman mula sa mayroon patungo sa wala kundi ang pagnenegosyo ng masa sa paraang pang-mundo at pandaang-taon. Sa estratehiyang ito, kritikal ang pamumuno ng masang empleyado, manager at maliliit na entreprenor bilang malalaking grupo.
SIMULAN NA! Nasa pagkilos ng grupo mo ang kaunlaran ng bansa!


MGA PUWEDENG ISUNOD NA MGA PROYEKTO NG GRUPO MO (Karugtong):
Narito ang ilang posibilidad para sa ating kilusan ng ‘masang entreprenor’:
(1) Ethanol distilleries: $10 milyon ang project cost ng isang distillery, at kailangan nito ng 5,000 ektarya o higit pang tanim ng sweet sorghum para sa 40,000 litrong arawang produksyon. Kalahati ng kapital ay maaring manggaling sa banyaga at puwedeng umutang ng makinaryang katumbas sa total na kapital. Ang tubo sa ethanol distillery ayon sa experyensya ng Brazil ay nakagugulat na 80% ng benta. Sa 40,000 litro kada araw, at P20 presyo kada litro, maaring tumubo ang destileriya ng higit P600,000 araw-araw. Kapag kinapos na sa lupang tatamnan ng sweet sorghum sa Pilipinas, maaring mag-expand ang mga destileriya sa buong Southeast Asia. Bilyones dolyares buwanan ang iaakyat ng ganito kalaking industriya sa masang Pinoy.
(2) Tour boat fleets: Kikita ng bilyones dolyares ang tour boat fleets kung 75% ethanol (25% gasoline) ang gagawing fuel ng mga makina ng mga lantsa. Maaring kapartner ng mga grupong Pinoy ang US boating groups upang magtayo ng tour boat and yacht fleets na iikot sa mga resort ng Southeast Asia. Ang ethanol engines ay ginagawa na sa Brazil, Europe at Japan. Puwedeng gawin ang mga ito ng isang Pinoy joint venture company. Hahakot ng turista, kapital, teknolohiya at pautang ang mga Amerikano na kapartner ng Pinoy groups. Ang higit 10 milyon Pinoys abroad ay dapat sumali dahil hahatak sila ng milyong kaibigang bakasyonista. Sa target na 20 milyon turista at ilang libong tour boat fleets (10-20 lantsa at yate kada fleet) na umiikot sa Southeast Asia, bilyones dolyares ang kikitain ng masang Pinoy taun-taon mula sa higanteng industriyang ito. Lalong bubuhos ang yaman sa masang Pinoy kung magtayo pa ng island resorts sa buong Coastal Asia ang joint ventures.
(3) Marine aquacultures: Aarkila ang joint venture company ng ilang libong kababawang dagat at pupunuin ito ng artificial reefs upang dumami ang mga isda at lamang dagat. Sa higit 200 milyon ektarya ng kababawang dagat ng Pilipinas, kikita ng bilyones dolyares ang joint ventures buwan-buwan mula sa export ng mga isdang bahura, alimango, alimasag, pusit, tuna, lobster, seaweeds, kabibe, perlas atbp.
(4) Mga pagawaan ng piyesa: Ang Pilipinas ay may higit 200 milyon tonelada ng reserbang nickel at chromite. Kaunti lang ng mga metal na ito ang ihalo sa imported carbon steel ay lilikha na ng napakamahal na stainless steel and alloy steels na panggawa ng libo-libong uri ng piyesa ng makinarya at konstruksyon. Meron ding 2 bilyon toneladang copper o tanso ang Pilipinas. Ang tanso ay ginagawang wire na pangunahing sangkap sa electric motors at transformers na nagpapatakbo ng makinarya ng mga pabrika, mga escalator, elevator at household appliances. Ang teknolohiya sa mga ito ay standard o pangkaraniwan na. Walang gagawin ang mga lokal na grupo kundi makisosyo sa mga banyagang kumpanya para makautang ng buo-buong planta mula sa mga industrialisadong bansa. Ang mga industriyang ito ay mag-aakyat din ng bilyones dolyares sa masang Pilipino buwan-buwan. Unang market ang nabanggit nang mga lokal na industriya. Ikalawa ang export.
(5) Libo-libo pang industriyang maiisip mo at ng higit 10 milyon Pinoys abroad.
(Itutuloy…)

MGA PUWEDENG ISUNOD NA MGA PROYEKTO NG GRUPO MO
Sa paglipas ng mga taon, ang daan-libo o milyong kita ng bawa’t grupo mula sa ko-op ay mag-eengganyo sa masang Pilipino at maging mga Pinoy abroad na magtayo ng higit pang malalaking negosyong pang-mundo. Dahil milyones dolyares ang kakailanganing kapital sa pang-mundong negosyo, gagawa ng paraan ang ating kilusan ng masang negosyante upang magpatupad ng batas at programang gobyerno na magpapautang sa mga grupong masa na nagtatayo ng pang-mundong kumpanya. Upang pumasok ang bilyones dolyares na kapital ng mga banyaga sa Pilipinas, dapat isosyo ng mga grupong Pinoy ang mga banyagang kumpanya sa naturang mga negosyo. Ang kundisyon: gamitin ng mga kasosyong banyaga ang kanilang mga koneksyon upang makautang ng makinarya o salapi ang sosyohan. Sa ganitong paraan, dodoble ang investment ng mga banyaga (kapital at pautang) na papasok sa ating bansa. Ang ganitong uri ng joint venture (sosyohang kumpanya) ay ginagawa na ng malalaking negosyante ng mundo buhat pa noong 1800s. Umabot din ng ilang libo ang pinausong joint ventures ng mga kumpanyang Hapon at mayayamang pamilya sa Pilipinas noong panahong Marcos (1960s-80s). Ang pinakahuling sumunod sa uso ay ang China kung saan higit 200,000 joint ventures ang lumikha ng 400 million middle class mula sa dating naghihirap na Coastal Chinese bandang 1990s. Ang nakisosyo sa China ay hindi mga elitista (wala noon sa China) kundi mga kumpanyang pag-aari ng estado. Ngayon ay ibinebenta na sa mga empleyadong Tsino ang mga sosyo sa joint ventures kaya mabilis na lumalaki ang middle class ng China. Karaniwan sa mundo, mga mayayamang grupong entreprenor na lokal at banyaga ang nagsososyohan. Kung nagagawa ito ng mayayamang entreprenor, walang dahilan upang di rin ito magawa ng masang empleyado at maliliit na Pinoy entrepreneurs. Karamihan sa malalaking negosyong Pinoy ay joint ventures (franchises, turnkey, licensees, capital sharing) kung saan ang operasyon ng naturang mga kumpanya ay pamilyar na sa mga empleyadong lokal. Narito ang ilang posibilidad para sa ating kilusan ng ‘masang entreprenor’ tungo sa direksyong ito: (Itutuloy...)


DAGDAG PANG KITA: DIBIDENDO MULA SA KO-OP
Bakit may dibidendo mula sa ko-op? Ang ko-op ay unti-unting magtatayo ng sumusunod na Production Sections:
(1) Meat Processing Section: Ito’y gagawa ng frozen meat cuts, German and Chinese sausages, local langgonisa, hamon, bacon, Peking duck, kikiam, meat balls, cooked, flavored and frozen meat cuts (panghalo sa instant ulam, pancit, arroz caldo at mami), etc. Ang singil sa grupong bukid na magpagawa ay ayon sa labor, depreciation, capital build-up, contingencies, at 100% mark-up. Tatanggap ang MP Section ng kuntrata sa iba pang bukid na labas sa ko-op. Sa expansion stage pagkaraan ng ilang taon, mag-eexport ang ko-op ng frozen meat cuts and flavored meats para sa chicken inasal at mga ulam, noodle ingredients, pork barbecue, kikiam, ham, bacon, Peking duck, sausages, boiled duck and quail eggs, potato chips and cubes, mga saging, mga prutas, juices and purees (pang shake), etc. sa Hong Kong, Singapore, Malaysia, at Middle East kung saan libo-libo ang Pinay maids. Dapat kunin ng ko-op ang tulong ng libo-libong Pinay maids na nagluluto para sa mayayamang pamilya sa naturang mga bansa. Magbubukas ng outlets ang mga ko-op sa naturang mga bansa kung saan bibili ang maids ng pang-ulam. Kailangang maisama sa mga ko-op ang mga kapamilya ng maids upang maengganyo ang maids na laging bumili sa outlets ng mga ko-op. Kikita rin ng malaki mula sa mga ko-op ang nasabing mga pamilya na karamiha’y hirap sa buhay.
(2) Charcoal Production Section: Sa tulong ng Post Harvest technology ng Dept. of Agriculture, gagawa ng uling ang CP Section mula sa patapong ipa ng palay at gawgaw (tanim ng mga bukid ang kamoteng kahoy) bilang ‘binder’. Ibebenta ang uling sa mga grupong may karihan bilang pampalambot ng karne, pangkulo ng sabaw o panluto ng ulam. Malaki ang matitipid ng mga karihan dahil sobrang mahal ang LPG samantalang sobrang baba ang presyo ng uling mula sa patapong ipa at maging patapon ding tangkay ng sorghum, mais at palay.
(3) Brown Sugar Section: Ito’y gigiling ng mga tangkay ng sweet sorghum at lulutuin ang katas at ipoproseso upang maging muscovado sugar. Ibebenta ng mga grupo ang asukal sa mga kapitbahay, kaibigan at meryendahan (para sa turon at matatamis) sa mababang halaga pero may tubo ang nagbenta.
(4) Processed Fruits Section: Expansion project ng ko-op ang PF Section. Gagawa ng health drinks, jams, pastries, fruit cocktail, tropical fruit wines at purees (pang-shake) ang planta ng ko-op. Ang dagdag na pampatamis (preservative) ay galing sa sorghum syrup ng Brown Sugar Section. Napakataas ng presyo ng processed fruits at mga alak sa lokal at export markets kaya kikita ng milyones dolyares ang ko-op mula sa PF Section.
(5) Candied Fruits and Pastries Section: Gagamit ang ko-op ng dehydrator at teknolohiya mula sa Bureau of Plant Industry upang gumawa ng candied langka, santol, kamias, sampalok, balimbing, rambutan, pinya, banana chips with honey, mango bits, dried mangoes, etc. Gagawa din ang ko-op ng pastries ayon sa recipe ng mga tradisyonal na matatamis sa bawa’t probinsya. Ang aning cacao at cocoa ng mga bukid ay magiging bahagi ng chocolate coated pastries. Sa tulong ng class na packaging, bebenta ang mga ito sa export, umpisa sa Filipino food shops na ikinalat ng mga Pinoy sa buong mundo. Milyones dolyares din ang kikitain ng ko-op mula sa CFP Section.
(6) Dairy Section: Bibilhin ng ko-op ang gatas mula sa mga bukid at gagawin itong fruity ice cream at keso. Ang keso ay ingredient ng sweets and pastries na pang-export ng ko-op. Ang ice-cream na sagana sa prutas ay sa pamilihang lokal.
Ang milyones dolyares na kikitain ng koop taunan mula sa naturang Processing Sections ay panggagalingan ng dibidendong ibabahagi ng ko-op sa mga miyembro nito. Maaring bigyan ng ko-op ng 10-20% dibidendo sa kapital ng bawa’t miyembro kada apat o anim na buwan. Kalakhang tubo ay dapat pagulungin ng ko-op para palakihin pa ang Processing Sections.

MGA DAGDAG NA KITA NG GRUPO MO
Narito ang puwede pang pagkakitaan ng grupo mo matapos ang ilang tag-ani:
(1) Mula sa tubo ng bukid ay puwedeng magtayo ng karihan ang iyong grupo dahil maraming murang ingredients mula sa mga bukid. Ang specialties ng karihan: tapsilog, longsilog, barbecue, pancit, arroz caldo, sopas, kaldereta, mechado, morcon, lechon, mga gulay, mga minatamis, turon, prutas atbp. Dahil direkta mula sa bukid ang ingredients, magiging 300%-400% ang tubo ng karihan ng grupo kahit mababa ng kaunti ang presyo ng nasabing karihan kumpara sa iba.
(2) Mula sa iba pang tubo ng bukid ay puwedeng magtayo ng tiyangge sa probinsya ang iyong grupo, kasama ang iba pang grupo ng ko-op. Lahat ng uri ng consumer items na kayang bilhin ng mga taga-probinsya ay puwedeng ibenta sa mga bayan o siyudad na malapit sa mga bukid ng ko-op. Malaki din ang tubo sa tiyangge dahil kaunti ang kompetisyon sa probinsya, at lalo kung bibili nang bultuhan ang mga tiyangge sa mga supplier.
Dahil walang middleman ang iyong bukid, karihan at tiyangge, maaring kumita ang iyong grupo at katiwalang pamilya ng daan-daang libo kada tag-ani o tuwing apat na buwan, lalo kung nagbubunga na ang mga punong prutas ng bukid.

SAAN IBEBENTA ANG PRODUKSYON NG MGA BUKID?
(1) Ang bigas ay dapat ibenta sa mga kapitbahay, katrabaho, kaibigan at kakilala ng mga miyembro ng grupo. 20-30 ang bilang ng mga miyembro ng grupo at bawa’t pamilya ng mga ito ay may kakilalang higit 100 katao. Dagdag dito ang mababang presyo upang madaling mabenta ang mga produkto. Maaring P15-P18/kilo lang ang cost ng bigas ng grupo pero bebenta ito nang P25-P30, mas mababa sa presyong palengke.
(2) Ang karneng manok (frozen cuts) ay P60/kilo ang cost pero puwedeng itingi sa P100/kilo. P120-P140 ang presyo nito sa mga palengke.
(3) Ang baboy (frozen cuts) ay P80/kilo ang cost pero bebenta ng P120 sa retail kumpara sa P160 sa palengke.
(4) Ang gulay at prutas ay maaring tumubo nang 200% sa retail dahil sobrang mahal ang mga ito sa palengke.
(5) Ang karneng itik at kambing ay maaring doble ang tubo sa mahihilig mamulutan. (6) Ang 1,000 layer na itik ng bukid ay mangingitlog ng 1,000 araw-araw sa loob ng 200 araw. Puwede itong gawing balot o ilaga ng ko-op gamit ang uling na galing sa ipa. Ang tubo ay maaring 150%.
(7) Ang 5,000 pugo ng bukid ay mangingitlog ng 5,000 araw-araw sa loob ng 250 araw. Puwede itong ilaga at ibenta sa mga karihan at restaurant para isahog sa sopas, pancit at mga ulam. Maaring 200% ang tubo. Ang malalaking margin ng mga produktong bukid ay dahilan sa wala nang dinadaanang wholesaler ang mga ito. Ang arkiladong delivery trucks ng mga ko-op (patungo sa mga upisina o bagsakan ng mga miyembro) ay maaring magsama-sama sa biyahe upang di makotongan ng mga pulis sa mga highway. Ang pangongotong ay isa pang dahilan kaya lalong napapamahal ang mga produktong palengke. Sa libo-libong ko-op, sa milyong miyembro ng mga ito na karamiha’y may koneksyon sa gobyerno at maingay na media, matatakot mangotong ang sinumang pulis o opisyal sa probinsya o lunsod sa anumang aktibidad ng ko-op. Lalong walang kotongan kung mismong mga kamag-anak ng mga pulis at opisyales ng gobyerno ay miyembro din ng mga ko-op. Bukod dito, ang cold storage facilities ng mga ko-op ay titiyak na di malalamog at malalanta ang mga gulay at prutas sa mahabang biyahe patungo sa mga upisina o bagsakan ng mga miyembro.

PANAHON NG ANIMAL DISPERSAL
Kailan magsisimula ang pagpautang ng koop ng mga hayop? Sagot: pagkatapos ng unang paggiling ng aning palay, mais at sorghum ng mga bukid, umpisa na ng pautang-hayop. Ang mga dahilan:
(1) Sa panahong ito, marami nang binlid ng bigas, darak, at giniling na mais at sorghum ang stock na pakain sa mga hayop ng bawa’t bukid.
(2) Ang itinanim na mga punong Madre de Agua ay puwede nang bawasan ng dahon na panghalo sa feeds. 20% protein ang mga dahong ito at mabisang pamalit sa sobrang mahal na imported soybean meal, bone meal at blood meal na nasa komersyal na feeds. Ihalo pa ang asin, sweet sorghum juice, vitamin-mineral pre-mix at apog, ang mga bukid ng grupo at kural ng ko-op ay lilikha ng feeds na wala pa sa kalahati ang presyo kumpara sa komersyal na feeds. Magiging napakalaki ang tubo ng mga bukid dahil halos 80% ng gastos sa komersyal na paghahayupan ay feeds. Sobrang mahal ng komersyal na feeds sa Pilipinas pagka’t karamihan ng ingredients nito (pati mais) ay imported mula America at iba pang bansa. Sobrang dami pa ng mamahaling kemikal na preservatives ang komersyal na feeds kaya grabeng taas ang presyo kada sako. Isa pang dagdag-presyo sa imported feeds ang sobrang mahal ng transportasyon sa barko at trak ng feed ingredients patungo sa planta. Pag nahalo na, karga na naman sa trak at deliber sa mga probinsya kaya patung-patong ang gastos. Sa kabilang dako, ang bukid ng ko-op ay gagawa ng sariling feeds na masustansya pero pawang mga lokal na ingredients ang gamit at wala pang kemikal na preservatives. Kung panahon na na ng pakain ay saka lang maghahalo ng ingredients na nasa tabi-tabi lang at di na kailangang dalhin ng mga trak. Ang feed ingredients ng ko-op ay pawang organic (mais, binlid, sorghum, dahon ng Madre de Agua, apog, vitamin-mineral pre-mix, sorghum juice) kaya mas maigi ito sa kalusugan ng mga hayop at mga taong kakain ng frozen and preserved meats ng ko-op.
(3) Pagkabenta ng bukid ng unang ani nitong bigas, gulay at prutas, may pera na ang grupo upang bumili ng dagdag pang baboy, manok, kambing, pugo, itik o maging panghulog sa pautang na gatasang baka o kalabaw. Bawa’t panahon ng ani ay maaring magdagdag ng livestock ang bukid hangga’t kaya ng aning mais, binlid at darak na pakainin ang dagdag pang stock ng mga hayop. Habang dumadami ang livestock ng mga bukid, lalong lalaki ang kinikita ng mga miyembro ng ko-op at kanilang mga katiwala.

PAANO AALAGAAN ANG MGA HAYOP NG MGA BUKID?
Anu-anong mga hayop ang mauutang ng bawa’t bukid ng mga grupo mula sa ko-op? Narito ang simula:
(1) apat na babaeng kambing;
(2) anim na babaeng native o mestisang baboy;
(3) 500 French range chicken o mestisang manok (pullets pang karne);
(4) 500 sisiw na itik (pang layer);
(5) 1,000 sisiw na pugo (layers);
(6) dalawang inahing pabo (pullets);
(7) kung may pautang ang gobyernong lokal, isang gatasang baka o kalabaw. Ang lahat nang ito ay bibilhin ng ko-op sa mga komersyal na breeder o sa breeding stations ng Bureau of Animal Industry.

Sino ang mag-aasikaso ng mga hayop? Para sa preventive medicine at iwas-nakaw, narito ang sistema:
(1) Sama-sama ang kalahating bilang ng mga baboy sa pinag-isang kural (may mga partisyon) ng ko-op. Ang kalahati ay nasa mga bukid;
(2) Kalahati ng kambing, manok at itik ay sa mga kural at sheds ng ko-op, kalahati sa mga bukid ng grupo;
(3) Lahat ng pugo ay sa mga bahay-pugo sa bawa’t bukid ng mga grupo;
(4) Kung may pautang na baka o kalabaw, alaga lahat ang mga ito sa kural ng ko-op.

Ang ko-op ay kukuntrata ng artificial insemination technicians mula sa pinakamalapit na Agricultural College o sangay ng Bureau of Animal Industry. Palalahian ng technicians ang mga native na baboy, kambing, baka at kalabaw sa tulong ng iniksyon ng semilya ng foreign breeds na mas malalaki at mas marami kung maggatas. Pautang ng ko-op ang artificial insemination. Babayaran ito ng mga bukid sa pormang installment tuwing tag-ani o kada apat na buwan.

TEKNOLOHIYA SA PAGSASAKA NG LUPAING-BUNDOK
Paano sasakahin ng ko-op mo ang 500 ektaryang arkiladong lupa nito? Ang pangunahing paraan upang tumagal ng daan-taon ang mga bukid-koop (at mga gubat nito) ay ang paggamit ng mga sistema kung saan tutubo ng napakalaki ang mga miyembro ng ko-op. Magagawa ito sa tulong ng multi-cropping, multi livestock raising, at meats and fruits processing. Ang multi-cropping ay pagtanim ng iba’t ibang halaman at puno ayon sa uri ng lupa at klima at ayon sa magiging tubo sa pamilihan.
Sa 50 grupo ng magkakamag-anak at magkakaibigan, 10 ektarya kada grupo ang maaring ipaarkila (sub-lease) ng ko-op. Dahil kalakhang arkila ng ko-op ay matarik na lupa, dapat dalawang lote ang arkila ng bawa’t grupo. Ang isa ay apat na ektarya sa medyo matarik na lugar (5-20 degrees slope). Ang ikalawa ay anim na ektarya sa matarik na lugar (21-70 degrees slope).
Ano ang puwedeng itanim sa di gaanong matarik na lugar? Ito ang dapat sa umpisa:
(1) 2 ektaryang upland rice (di nangangailangan ng maraming tubig kaya matipid); (2) isang ektaryang tanim na mais (karamihan ng ani ay para sa feeds);
(3) kalahating ektaryang sweet sorghum (ang dahon ay pakain sa kambing at baka, ang bunga ay sangkap sa feeds ng manok at baboy, ang katas ng tangkay ay ginagawang brown sugar o ethanol alcohol) ;
(4) kalahating ektaryang mga gulay at prutas (cauliflower, chili, cabbage, beans, melon, pakwan, etc.) ayon sa uri ng lupa, klima at tubo sa pamilihan.
Ano ang puwedeng itanim sa matarik na bahagi ng bukid ng grupo? Mga halaman at punong pang-prutas at punong panggubat ang dapat itanim: (1) pinya; (2) papaya; (3) langka; (4) duhat; (5) mangosteen; (6) rambutan; (7) longkan; (8) Indian mango; (9) Carabao mango; (10) lanzones; (11) santol; (12) bayabas; (13) bignay; (14) narra; (15) apitong; (16) lauan; (17) mahogany at iba pang hardwoods; (18) softwoods; (19) Tricanthera o Madre de Agua; (20) kawayan; (21) rattan; (22) anahaw, (23) Thai sampalok, (24) cacao, (25) cocoa, (26) kasoy, (27) black pepper, (28) iba-ibang uri ng saging, etc.
Bukod dito, puwede pang magtanim ng orchids, bromeliads at iba pang ornamentals ang bukid sa ilalim ng mga puno. Dagdag pa rito ang honeybee colonies sa mga kahon na bukod sa mahal ang benta ng pulot ay malaking tulong pa sa pagpabulaklak o pagpabunga sa lahat ng halaman. Dagdag pang aktibidad ang pagparami ng mushrooms o kabute sa mushroom houses sa ilalim ng mga puno. Ang mushrooms ay mamahaling sangkap sa pizza pie at iba-ibang klaseng ulam kaya madaling mabenta sa mga restaurant.
Ilang taon ang lilipas bago magbunga ang mga prutas, subali’t napakataas naman ng presyo ng mga bungang-kahoy pag ibinenta. Bebenta nang P50 hanggang P250 ang kilo ng prutas samantalang P20-P35 lang ang kilo ng palay at mais. Babawi lang ang palay at mais pag isinama ang binlid at durog na mais sa feeds ng mga manok, pugo, itik at baboy. Para sa mga puno, ang mga makabagong paraan tulad ng tamang pag-spray ng foliar fertilizer, insecticide at flower inducer, pagdilig, pagpungos ng dahon at pagpausok sa tamang panahon, ay tutulong upang saganang mamunga ng 2-3 beses taunan ang mga prutas tulad ng sa Thailand.

PAG-ARKILA NG LUPA SA GOBYERNO
Gaano kalawak pa ang lupang puwedeng arkilahin ng mga KPPMP sa gobyerno? Ang Pilipinas ay 60% kabundukan sa 30 milyon ektaryang lupain. Mga 10 milyon nito ay walang pribadong may-ari (alienable and disposable) at puwedeng arkilahin sa gobyerno. 1,000 ektarya ang maximum na puwedeng arkilahin ng bawa’t ko-op sa loob ng 75 taon. Maaring magsimula ang iyong ko-op sa 500 ektarya.
Bakit walang gaanong nagsasaka sa kabundukan ng Pilipinas? Malaking kapital ang kailangan para tamnan ang mga bundok. Hindi kaya ng karaniwang pamilyang magsasaka ang magtanim nang malakihan sa bundok. Dahil dito, halos lahat ng bundok sa Pilipinas ay kalbo na. Pinutol ng mga magtotroso at kainginero ang mga puno pero wala silang itinanim na kapalit na mga puno. Ito ang dahilan kaya mga ko-op ng mga empleyado at entreprenor ang dapat magsaka sa bundok. May mga regular na suweldo o tubo sa negosyo ang mga ito. Ang P5 milyon ng bawa’t ko-op at 5 milyon pautang-gobyerno sa bawa’t ko-op ay sapat na panimula para sa tig-500 ektaryang multi-crop na mga bukid-bundok. Bahagi nito ay pambayad sa mga grupong trabahador mula sa mga lokal na barangay upang itanim ang iba’t ibang uri ng puno sa matatarik na bahagi ng bundok sa pangangasiwa ng Operations Manager ng ko-op at kanyang mga ayudante.
Bakit kailangang sa bundok magsaka ang iyong ko-op? Ang dahilan: halos lahat ng kapatagang lupa sa Pilipinas ay pag-aari na ng mga indibidwal at negosyo. Sobrang mahal na ang presyo at arkila sa mga ito. Samantala, maliit lang ang singil ng gobyerno sa paarkila sa lupaing bundok dahil sisingil pa ang gobyerno ng buwis sa mga negosyong-bundok. Isa pang dahilan kaya maliit ang singil ng gobyerno ay matagal na nitong nais na matamnan ng mga puno ang mga bundok upang matigil ang mga baha sa kapatagan, pagguho ng lupa sa kabundukan, at tagtuyot pag panahon ng tag-init. Sinisipsip ng mga puno ang tubig-ulan kung tag-ulan at unti-unting pinakakawalan sa tag-init. Ang mga ko-op ay magtatanim ng nasabing mga puno (managed forest) pagka’t malaki ang kikitain ng mga ito mula sa nabanggit na proyekto. Ang muling pagbuhay ng mga gubat sa bundok ay makatutulong pa sa pagbawas ng global warming na problema ng buong mundo.

ANO ANG PUWEDENG UTANGIN NG BAWA’T BUKID SA KO-OP?
Bawa’t grupo ay kailangang mag-eleksyon kung sino ang magiging katiwala sa 10 ektaryang bukid ng grupo. Malamang ang kamag-anak nilang mahilig sa bukid at walang trabaho ang kuning katiwala, kasama ang pamilya nito. Maari ding isang mapagkakatiwalaang kakilala ng angkan ang gawing katiwala sa bukid. Puwede ring kumuntrata ng mahirap na pamilya mula sa kabundukan upang maging katiwala ng bukid. Usapan na ng grupo at katiwala kung ilang porsyento ng produkto ang para sa katiwalang pamilya na titira sa bukid.
Kapag mayroon nang katiwala, narito ang mga puwedeng utanging ng bukid mula sa ko-op:
(1) hand tools (piko, asarol, perno, pala, trowel, sprayer, karit, hand digger, martilyo, lagari, etc.);
(2) kubo, papag, gas lanterns, gamit pangkusina ng katiwalang pamilya sa bukid;
(3) plowing & rotavator services;
(4) patubig (de metro);
(5) binhi (palay, mais, sorghum, gulay, prutas, etc.);
(6) bigas, groceries at gastos pambahay ng katiwalang pamilya para sa apat na buwan; (7) foliar fertilizer and organic pesticide;
(8) fruit tree saplings (mangga, rambutan, longkan, langka, chico, duhat, bignay, kaong, cacao, saging, etc.);
(9) saplings & seedlings for managed forest (mahogany, lauan, narra, apitong, kawayan, rattan, anahaw, etc.);
(10) livestock feed trees & legumes (madre de agua, kamachile, anabiong, katuray, ipil, napier grass, etc.);
(11) bayad sa labor, patanim ng mga puno at halaman;
(12) livestock breeders (manok, itik, pugo, pabo, kambing, baboy, baka);
(12) Fees ng Agriculturist-manager, consultants, veterinarian.
Ang panahon ng pagbayad: tuwing tag-ani.

ANO ANG MAARING UTANGIN NG KO-OP SA GOBYERNO?
Ang dapat utangin ng ko-op sa gobyerno ay ang mga makinarya at gamit pambukid na rekomendado ng Feasibility Study team. Madaling magpautang ang gobyerno kung para sa pagbili ng makinarya at gamit pambukid dahil puwedeng ilitin ang mga ito kung di mabayaran ang utang. Narito ang lista ng dapat utangin ayon sa priyoridad ng dapat bilhin:
(1) hand tractors (5 units);
(2) patubig (upland mini-dam, PVC pipes, water pumps, concrete water tanks); (3) rice harvester (1 unit);
(4) dryer (fueled by rice hull and corn cobs) for rice, corn, sorghum (1 unit);
(5) electric corn sheller (3 units);
(6) electric rice & corn mill (2 units);
(7) brush cutters (5 units);
(8) fruit and vegetable coolers (5 units);
(9) budget: pantayo ng kubo ng mga pamilyang katiwala;
(10) farm tools;
(11) gamit panggawa ng uling mula sa ipa;
(12) gilingan at gamit-panggawa ng brown sugar (muscovado);
(13) gamit panggawa ng fruit jams, juices, candied fruits, health drinks, honey;
(14) budget: pambili ng mga inahing baka, kambing, manok, itik, pugo at pabo;
(15) gamit panggawa ng processed meats (tocino, longganisa, sausage, barbecue, chicken inasal, kikiam, tapa, hamon, chicharon, etc.);
(16) gamit panggawa ng keso.
Paraan ng pagbayad sa lahat ng ito: 20 years installment, 2 year grace period (wala munang singilan sa loob ng 2 taon)

SINO-SINONG MGA EKSPERTO ANG BUBUO NG FEASIBILITY STUDY TEAM?
Ang FS team ay maaring buuin ng sumusunod:
(1) Senior Agriculturist: Isang Doktor ng Agrikultura o Agronomy na may malawak na karanasan sa pagtuturo o operasyon ng Agricultural College, at mga proyektong gobyernong pambukid o komersyal na bukid. May mga kontak din ang SA sa mga ahensya ng goberyno na nagpapaarkila ng lupa. Ang malawakang pananaw sa multi-cropping, multi-species livestock raising, at managed forest with fruit tree operations na isasama sa Feasibility Study ay manggagaling sa SA.
(2) Animal Husbandry Specialist: Tapos ng Animal Husbandry at may malawak na karanasan sa mga programang gobyerno sa paghahayupan at maging sa pribadong kumpanya. Ang AHS ang magdidisenyo ng mga paddock o pastulan para sa pinagsama-samang hayop (baka, kambing, baboy, manok, itik) ng iba-ibang grupo. Kailangang pagsamahin ang kalahati ng mga hayop ng mga bukid sa iisang lugar para sa preventive medicine o pag-iwas sa sakit, at pag-iwas sa pagnanakaw. Ang AHS din ang magrerekomenda ng Veterinary Consultant para sa preventive medicine dahil kilala niya ang eksperyensadong mga beterinaryo ng bansa.
(3) Agricultural Engineer: Espesyalista sa patubig at mga makinaryang pambukid. Ang AE ay may mga kontak sa mga ahensyang gobyerno at pribadong kumpanya na gumagawa ng dryer, harvester at food processing equipment. Ang AE ang magdidisenyo ng micro-dams sa ilang batis-bundok sa mga lupaing arkilado ng ko-op. Siya ang magpapatanim ng mga puno at kawayan sa tabi ng mga batis upang di maubos ang tubig ng mga ito sa tag-araw. Ang AE din ang magdidisenyo ng water distribution system (underground PVC pipes) at water metering para sa mga bukid ng mga grupo. Kung malayo ang ilang bukid sa batis, ang AE ang magdidisenyo ng deepwell, water cisterns o concrete water tanks, at mga koneksyon patungo sa nasabing mga bukid.
(4) Junior Agriculturist: Isang Agriculture graduate at may karanasan sa Agricultural College o mga programa sa patanim o Animal Husbandry ng Dept. of Agriculture. Katulong ang Organizer, ang JA ang susulat ng Feasibility Study kasama ang Financial Projections ayon sa rekomendasyon ng grupo. Ang JA ay dapat maging Operations Manager ng ko-op pagka’t alam niya ang buong disenyo at detalye ng mga sistemang produksyon at kung paano isasagawa ang mga ito.
(5) Organizer-Proponent: Ang OP ay ang sumulat nitong blog at siya ring nagdisenyo ng sistemang ‘kooperatiba ng mga grupong may tiwala sa isa’t isa’, pati na ang multi-cropping, organic farming, managed forest, brown sugar production at organic livestock raising na maaring isakatuparan sa malakihan ng isang ko-op. Ang OP rin ang nagrerekomenda sa ko-op na magtanim ng sweet sorghum para sa paggawa ng ethanol, at iba pang mga pang-matagalang proyekto na puwedeng pagkakakitaan ng milyones dolyares ng mga grupong miyembro ng ko-op. Ang OP ay tutulong sa JA sa pagsulat ng Feasibility Study ng KPMP.
Magkano ang dapat na budget ng ko-op para sa Feasibility Study? Ang fees para sa pag-aaral ay pinagsamang gastos sa transportasyon, representation, lodging, surveys, pagkuha ng datos, pagbuo ng mga koneksyon sa iba pang eksperto, paghanap ng public lands, at professional fees. Ang suma ay pag-uusapan ng Feasibility Study team at opisyales ng ko-op.

ANO ANG PAPEL NG FEASIBILITY STUDY TEAM?
Ang FS Team ay gagawa ng pag-aaral at detalyadong report (teknikal at financial) kung paano kikita ng milyones pesos kada apat na buwan ang ko-op at mga bukid ng mga grupo. Gagawin ang pag-aaral matapos ma-organisa at mairehistro ang ko-op. Kukuntratahin ng ko-op ang FS Team sa halagang mapagkakasunduan. Ang buod ng Feasibility Study ay ayon sa mga prinsipyong nakasaad sa blog na ito, tulad ng:
(a) kooperatibang binubuo ng mga grupong magkakamag-anak at magkakaibigan,
(b) pag-arkila ng ko-op ng 500 ektaryang bukid-bundok mula sa gobyerno, sa pangalan ng ko-op,
(c) multi-cropping o pagtanim ng iba-ibang uri ng halamang-bukid ayon sa lupa, klima at markets,
(d) pagparami ng iba-ibang uri ng bukid-hayop sa tulong ng ‘organic feeds’ na walang mamahaling imported ingredients at mga kemikal na preservative,
(e) pagpaarkila ng ko-op ng 10 ektaryang lupa sa bawa’t grupong miyembro ng ko-op, (f) pagpautang ng ko-op sa mga bukid ng grupo ng mga serbisyong pambukid tulad ng pag-araro at rotavator, water supply, mga gamit pambukid, binhi at fruit tree saplings, etc.,
(g) pagbayad ng naturang mga utang sa ko-op tuwing tag-ani,
(h) pagbenta ng ani ng mismong mga miyembro ng grupo sa kanilang daan-daang mga kamag-anak, kaibigan, katrabaho at kakilala upang maiwasan ang ‘middleman’, (i) paghimok sa mga grupo na magtayo ng sariling karihan upang lumaki pang lalo ang kanilang kita mula sa bukid,
(j) paghimok sa mga grupo na magtayo ng tiyangge sa probinsya bilang dagdag pang panggagalingan ng kita,
(k) pagbuo at operasyon ng ko-op ng Brown Sugar Production Section upang kumita ang mga grupo mula sa tanim na sweet sorghum ng kanilang bukid,
(l) pagbuo at operasyon ng ko-op ng Meat Processing Section para kumita nang maganda ang mga miyembro at kanilang karihan at mag-export sa katagalan,
(m) pagbuo at operasyon ng ko-op ng Fruit Processing Section na ginagamit ang brown sugar at aning prutas ng mga bukid upang gumawa ng health drinks, fruit juices, wines, candied fruits, pastries and regional sweets na sa katagalan ay pang-export.
Ang lahat ng ito ay ayon sa pakay ng kilusan na kumita nang malakihan ang masang entreprenor habang lumilikha sila ng trabaho para sa mahihirap, at habang pinangangalagaan nila ang kalikasan.