PAG-ARKILA NG LUPA SA GOBYERNO
Gaano kalawak pa ang lupang puwedeng arkilahin ng mga KPPMP sa gobyerno? Ang Pilipinas ay 60% kabundukan sa 30 milyon ektaryang lupain. Mga 10 milyon nito ay walang pribadong may-ari (alienable and disposable) at puwedeng arkilahin sa gobyerno. 1,000 ektarya ang maximum na puwedeng arkilahin ng bawa’t ko-op sa loob ng 75 taon. Maaring magsimula ang iyong ko-op sa 500 ektarya.
Bakit walang gaanong nagsasaka sa kabundukan ng Pilipinas? Malaking kapital ang kailangan para tamnan ang mga bundok. Hindi kaya ng karaniwang pamilyang magsasaka ang magtanim nang malakihan sa bundok. Dahil dito, halos lahat ng bundok sa Pilipinas ay kalbo na. Pinutol ng mga magtotroso at kainginero ang mga puno pero wala silang itinanim na kapalit na mga puno. Ito ang dahilan kaya mga ko-op ng mga empleyado at entreprenor ang dapat magsaka sa bundok. May mga regular na suweldo o tubo sa negosyo ang mga ito. Ang P5 milyon ng bawa’t ko-op at 5 milyon pautang-gobyerno sa bawa’t ko-op ay sapat na panimula para sa tig-500 ektaryang multi-crop na mga bukid-bundok. Bahagi nito ay pambayad sa mga grupong trabahador mula sa mga lokal na barangay upang itanim ang iba’t ibang uri ng puno sa matatarik na bahagi ng bundok sa pangangasiwa ng Operations Manager ng ko-op at kanyang mga ayudante.
Bakit kailangang sa bundok magsaka ang iyong ko-op? Ang dahilan: halos lahat ng kapatagang lupa sa Pilipinas ay pag-aari na ng mga indibidwal at negosyo. Sobrang mahal na ang presyo at arkila sa mga ito. Samantala, maliit lang ang singil ng gobyerno sa paarkila sa lupaing bundok dahil sisingil pa ang gobyerno ng buwis sa mga negosyong-bundok. Isa pang dahilan kaya maliit ang singil ng gobyerno ay matagal na nitong nais na matamnan ng mga puno ang mga bundok upang matigil ang mga baha sa kapatagan, pagguho ng lupa sa kabundukan, at tagtuyot pag panahon ng tag-init. Sinisipsip ng mga puno ang tubig-ulan kung tag-ulan at unti-unting pinakakawalan sa tag-init. Ang mga ko-op ay magtatanim ng nasabing mga puno (managed forest) pagka’t malaki ang kikitain ng mga ito mula sa nabanggit na proyekto. Ang muling pagbuhay ng mga gubat sa bundok ay makatutulong pa sa pagbawas ng global warming na problema ng buong mundo.
Sunday, November 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment