Saturday, November 21, 2009

AGARANG PAGLIKOM NG KAPITAL NG BAWA’T GRUPO
Ang grupong magkakamag-anak at magkakaibigan ay dapat mag-eleksyon kung sino ang magiging Treasurer ng grupo. Idedeposito ng Treasurer sa pangalan niya ang kapital ng grupo habang di pa naitatayo ang KPPMP at kulang pa sa P100,000 ang nalikom na kapital. Dahil magkakamag-anak at magkakaibigan, alam ng grupo kung sino ang mapagkakatiwalaang hahawak ng kapital.
Ang ganitong sistema ay iiwas sa karaniwang problema ng mga regular na ko-op kung saan mahirap makuha ang tiwala ng mga miyembro sa di gaano kilalang opisyales kaya matagal makabuo ng kapital ang ko-op.
Kailan ipapasok sa ko-op ang mga kapital ng mga grupo? Karaniwang mabubuo ang KPPMP dahil sa pag-uusap at pagre-recruit ng magkakaibigan sa upisina, palengke, terminal ng public transport, asosasyon at katulad na mga grupo. Dahil dito, dugtong-dugtong na magkakakilala ang mga miyembro ng KPPMP. Madali silang magkakaalaman kung magkano na ang naipon ng bawa’t grupo. Kapag umabot na sa P5 milyon ang kapital ng 50 grupo, dapat nang mag-organisa ng ko-op. Maaring umarkila ng lugar para sa general meeting at eleksyon ng opisyales. Malamang manalo bilang mga direktor, Chairman at Treasurer ang mga miyembrong may pinakamaraming kamag-anak at kakilala sa 50 grupo na abot 1,000 ang miyembro. Sa ganitong sistema, uupo sa puwesto ang pinagkakatiwalaan ng nakararami. Ang nahalal naman na kilala ng karamihan ay mahihiyang gumawa ng di tama dahil ang apektado ng maling gawa ay sarili nilang kamag-anak at matatalik na kaibigan. Maiiwasan ng ko-op ang katiwalian na naging eksperyensya ng maraming regular na ko-op ng mga nakaraang panahon.
Ang opisyales ang magrerehistro sa ko-op sa Bureau of Cooperatives Development at iba pang ahensya ng gobyerno. Magbibigay din ng giya ang BCOD kung ano ang mga kailangang seminar at kaalaman upang mas madaling mairehistro at makautang ang ko-op. Ang by-laws ng ko-op ang magsisiguro na ang mga opisyales ay gagawa ng mga aksyon na pawang aprubado lang ng mga miyembro, kaya kailangang kasama ang mga miyembro sa pagbuo at pag-apruba ng by-laws. Sa panahong ito, sabay-sabay na idedeposito ng mga grupong 50 pataas ang kani-kanilang kapital sa bank account ng ko-op. Kailangang mapag-isa ang total na P5 milyon pondo upang makautang sa gobyerno ng pambili ng makinarya. Hindi mangyayari ito kung watak-watak ang kapital.
Ang Chief Operating Officer ng ko-op ay kailangang isang Agriculturist na alam ang mga teknikalidad ng pagsasakang malakihan, multi-cropping, contour cropping, managed forest, preventive medicine, meat and fruit processing, etc. Dahil dito, ang COO bilang Overall Manager ay dapat manggaling sa Feasibility Study team na kontratado ng ko-op.

ANG TARGET NA KAPITAL NG BAWA’T GRUPO SA KOOPERATIBA PARA SA PRODUKSYON NG MURANG PAGKAIN (KPPMP)
Ang 20-50 magkakamag-anak at magkakaibigan ay maaring magkontribusyon ng P1,000-P20,000 bawa’t isa upang makabuo ng P100,000 kapital. Sa ganito kalaking kapital, puwedeng umarkila ng 10 ektaryang lupa (1,000m x 1,000m) mula sa KPPMP ang grupo.
Ilang grupo ang kailangan upang makabuo ng isang KPPMP? Sa P100,000 kapital bawa’t grupo, 50 grupo lang ay puwede nang kooperatiba. Magiging P5 milyon ang pinagsamang kapital ng 50 grupo.
Bakit P5 milyon ang kailangang kapital ng KPMP? Ang P5 milyon ay maari nang maiutang sa gobyerno ng pambili ng makinarya at gamit pambukid na halagang P5 milyon din. Makatutulong ang malaking lupaing bundok (500 ektarya) na arkilado ng grupo sa gobyerno kung uutang. Makatutulong din sa pag-utang ang Feasibility Study ng ko-op na gawa ng mga eksperto sa Agrikultura.
Malaki din ang maitutulong ng political pressure ng daan-daang KPPMP upang lahat sila ay makautang ng mga makinarya at gamit pambukid mula sa gobyerno. Ito ang dahilan kaya kailangang i-recruit ng bawa’t miyembro ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan patungo sa ating kilusan. Makatutulong ang promo kits na inihanda ng may-akda para sa aktibidad na ito. Nasa promo kits ang charts na nagpapaliwanag ng mga sistemang nabanggit at kung paano kikita ng daan-libong piso kada apat na buwan ang grupo mula sa kanilang bukid at kooperatiba. Makatutulong ang promo kit dahil puwede itong dalhin kahit saan.

PAANO MABUBUO ANG MGA GRUPO BILANG KOOPERATIBA PARA SA PRODUKSYON NG MURANG PAGKAIN?
Ikaw ang gawin nating halimbawa. Kung interesado kang kumita nang daan-libong piso kada apat na buwan kasama ang iyong mga kamag-anak at kabarkada, ipabasa mo sa kanila ang buong blog na ito. Pag-usapan ninyo ang mga prinsipyong narito at mag-isip ng higit pang mabuting mga paraan tungo sa pinaka-target nating lahat: kumita nang malakihan habang nagbibigay ng magandang trabaho sa mahihirap at tumutulong sa pagpabuti ng kalikasan.
Ang mga target nating ito ay pang-matagalan at dapat ipamana sa ating mga anak at sa susunod pang henerasyon pagka’t ang pagsugpo sa kahirapan at pagpabuti sa kalikasan ay mga walang katapusang gawain. Kung sa mga gawaing ito ay kikita ang iyong grupo nang malaki, walang duda na lahat ng inyong mga anak at apo ng inyong mga apo ay kikita rin nang higit pang malaki pagka’t ipinakita na ninyo ang mga dapat gayahin sa inyo. Marami pang ibang dahilan upang magpursigi ang iyong grupo sa mga gawaing ito:
(1) Magkakaroon ang grupo mo ng bakasyunan sa probinsya. Magiging matatag ang bonding ng grupo at mga pamilya ng miyembro at magiging masaya ang kanilang samahan.
(2) Sa pagdami ng mga KPPMP sa bansa, dadami ang mga kaibigan at kontak ng mga miyembro ng grupo. Malaking tulong ito sa trabaho at iba pang negosyo ng mga miyembro ng grupo.
(3) Kapag umabot na nang libo-libo ang mga KPMP sa buong bansa, magiging malaking puwersa politikal ito upang masugpo ang katiwalian sa gobyerno at umagos and daan-bilyong pondo ng gobyerno taun-taon sa masang entreprenor tulad ng mga KPPMP. Ito’y magagawa sa tulong ng political pressure ng kilusan ng mga KPPMP upang maipasa ang isang Batas Pautang sa Masang Entreprenor (BPME) na magpapatupad ng ganitong programa sa habang panahon.
(4) Uubligahin ng BPME ang mga umutang na grupo na magtayo ng mga pang-mundong kumpanya kasosyo ang mga banyaga. Sa ganitong paraan, ang halimbawang P100 milyong pinautang sa lokal na grupo ay dodoblehin ng banyagang kapital at ang total ay dodoblehin pa ng pautang na makinarya sa tulong ng mga kontak ng banyaga. Sa ganitong paraan, ang halimbawang P150 bilyon taunang pautang ng gobyerno ay makabubuo ng libo-libong kumpanya na higit P600 bilyon ang halaga taun-taon. Tutulong ang bilyones dolyares na kapital ng mga banyaga taun-taon upang lumikha ng milyong trabaho taunan para sa mahihirap na Pinoy. Ang grupo mo ang isa sa magpapasimula sa magandang kinabukasang ito.
Ang nabanggit na mga benepisyo ay dapat magbunsod sa iyong grupo upang gawing regular na aktibidad ang pag-recruit ng mga miyembro ng Kilusang Lakas-tao sa Negosyo. Kung ang bawa’t recruiter ay magre-recruit ng 20 o higit pa sa kanyang higit 100 kamag-anak at kakilala, mapapadali ang pagbuo ng daan-daang KPPMP. Ang milyong miyembro ng mga ito ay tiyak na susuyuin ng mga pulitiko dahil sa kanilang mga boto. Ang magiging kundisyon ng kilusan sa mga pulitiko: ipasa at ipatupad ang isang Batas Pautang sa Masang Entreprenor upang umagos ang daan-bilyong pautang sa mga KPPMP, mga unyon pang-negosyo at iba pang negosyong itinayo ng middle class at masang Pilipino.

ANONG URI NG MGA GRUPO ANG DAPAT BUMUO NG ATING KOOPERATIBA?
Ang ating ko-op ay kailangang maging ko-op ng mga grupong magkakamag-anak at magkakaibigan. Ang dahilan: may tiwala ang mga miyembro ng ganitong mga grupo sa isa’t isa kaya mas madali ang pagdesisyon at aksyon ng grupo. Narito ang mga posibilidad ng pagkabuo ng ganitong mga grupo:
(1) Ang magkakaibigan sa isang opisina ay kukumbinsi sa kani-kanilang mga pamilya, mga pinsan at miyembro ng angkan upang bumuo ng isang grupo. Ang target: bumuo ang grupo ng halagang P100,000 kapital sa P1,000-P20,000 kontribusyon bawa’t isa. Mag-eeleksyon ang grupo kung sino ang Treasurer na magdedeposito ng kapital sa banko habang hindi pa nabubuo ang P100,000. Kapag nabuo na, magdedesisyon ang grupo kung saang kooperatiba nila ipapasok ang naturang kapital.
(2) Ang magkakaibigan at magkakapit-puwesto sa isang palengke ay gagawa ng katulad na mga hakbang.
(3) Ang magkakatrabaho sa abroad at kanilang mga kamag-anak sa lokal ay gagawa rin ng nabanggit na mga hakbang.
(4) Ang mga opisyal at miyembro ng isang organisasyong pang-sosyal, propesyonal o pang-relihiyon ay maaring gumawa rin ng naturang mga hakbang.
(5) Ang mga driver ng pampasaherong jeep, FX, at tricycle, at kanilang mga operator ay puwede ring gumawa ng naturang mga hakbang.
(6) Kapag sumobra sa P100,000 ang kapital ng isang grupo, dapat bumuo ng mga bagong grupo na pawang magkakamag-anak lang ang miyembro. Hindi dapat sumobra sa P100,000 ang kapital kada grupo dahil 10 ektarya lang ang puwedeng ipaarkila ng ko-op bilang magiging bukid ng grupo sa probinsya. Ito’y angkop sa P5 milyon kapital ng 50 grupo at P5 milyon makinaryang pautang ng gobyerno para sa 500 ektaryang bukid ng ko-op kung saan ang lupaing-bundok ay arkilado sa gobyerno. Pag lumaki pa sa nabanggit ang proyekto, mag-aalinlangan nang ‘sumugal’ ang mga miyembro ng mga grupo.
(7) Lahat ng miyembro ng mga grupo ay dapat mag-recruit ng kani-kanilang mga katrabaho, kaibigan at kakilala upang magsisama ang mga ito sa Kilusang Lakas-tao sa Negosyo. Ang dahilan: upang dumami agad ang mga kooperatiba at makabuo ang mga ito ng puwersang pulitikal na magpapaagos ng bilyones pesos na pautang mula sa gobyerno taun-taon patungo sa mga KPPMP.


Friday, November 20, 2009

UNANG PROYEKTO NG ATING KILUSANG LAKAS-TAO SA NEGOSYO: KOOPERATIBA PARA SA PRODUKSYON NG MURANG PAGKAIN (KPMP)
Ano ang mga pakay ng KPMP? Heto ang mga panimula:
(1) Pababain nang lampas kalahati ang presyo ng bigas, karne, gulay at prutas para
sa mga miyembro ng KPMP.
(2) Buuin ang KPMP bilang kooperatiba ng mga grupong magkakamag-anak at
magkakaibigan.
(3) Umarkila ang KPMP ng 500 ektaryang lupaing publiko mula sa gobyerno.
(4) Ipaarkila ng KPMP ang lupain sa 50 grupo sa laking 10 ektarya bawa’t isa.
(5) Doblehin ang kapital ng KPMP sa tulong ng pautang-gobyerno sa pormang mga
makinarya at gamit pambukid.
(6) Magpaganap ng mga sistemang pambukid tulad ng multi-cropping, managed
forest, multi-livestock raising, strip cropping at food processing upang kumita ng
daan-libong piso pataas kada apat na buwan ang bawa’t grupo.
(7) Dagdagan ang kita ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagbenta sa mga
kapitbahay at karihan.
(8) Himukin ang mga grupong miyembro na magtayo ng sariling karihan upang lalong
lumaki ang kinikita.
(9) Himukin ang mga grupong miyembro na magtayo ng tiyangge sa probinsya kung
saan naroon ang mga bukid ng ko-op upang lalo pang lumaki ang kita ng grupo.
(10) Magtayo ang KPMP ng (a) Meat Processing Section, (b) Brown Sugar
Production Section, (c) Charcoal Making Section, (d) Juice and Candied Fruits
Production Section na ang matagalang target ay export, upang madagdagan pa
ng malaking halagang dibidendo ang mga miyembro ng KPMP.