TEKNOLOHIYA SA PAGSASAKA NG LUPAING-BUNDOK
Paano sasakahin ng ko-op mo ang 500 ektaryang arkiladong lupa nito? Ang pangunahing paraan upang tumagal ng daan-taon ang mga bukid-koop (at mga gubat nito) ay ang paggamit ng mga sistema kung saan tutubo ng napakalaki ang mga miyembro ng ko-op. Magagawa ito sa tulong ng multi-cropping, multi livestock raising, at meats and fruits processing. Ang multi-cropping ay pagtanim ng iba’t ibang halaman at puno ayon sa uri ng lupa at klima at ayon sa magiging tubo sa pamilihan.
Sa 50 grupo ng magkakamag-anak at magkakaibigan, 10 ektarya kada grupo ang maaring ipaarkila (sub-lease) ng ko-op. Dahil kalakhang arkila ng ko-op ay matarik na lupa, dapat dalawang lote ang arkila ng bawa’t grupo. Ang isa ay apat na ektarya sa medyo matarik na lugar (5-20 degrees slope). Ang ikalawa ay anim na ektarya sa matarik na lugar (21-70 degrees slope).
Ano ang puwedeng itanim sa di gaanong matarik na lugar? Ito ang dapat sa umpisa:
(1) 2 ektaryang upland rice (di nangangailangan ng maraming tubig kaya matipid); (2) isang ektaryang tanim na mais (karamihan ng ani ay para sa feeds);
(3) kalahating ektaryang sweet sorghum (ang dahon ay pakain sa kambing at baka, ang bunga ay sangkap sa feeds ng manok at baboy, ang katas ng tangkay ay ginagawang brown sugar o ethanol alcohol) ;
(4) kalahating ektaryang mga gulay at prutas (cauliflower, chili, cabbage, beans, melon, pakwan, etc.) ayon sa uri ng lupa, klima at tubo sa pamilihan.
Ano ang puwedeng itanim sa matarik na bahagi ng bukid ng grupo? Mga halaman at punong pang-prutas at punong panggubat ang dapat itanim: (1) pinya; (2) papaya; (3) langka; (4) duhat; (5) mangosteen; (6) rambutan; (7) longkan; (8) Indian mango; (9) Carabao mango; (10) lanzones; (11) santol; (12) bayabas; (13) bignay; (14) narra; (15) apitong; (16) lauan; (17) mahogany at iba pang hardwoods; (18) softwoods; (19) Tricanthera o Madre de Agua; (20) kawayan; (21) rattan; (22) anahaw, (23) Thai sampalok, (24) cacao, (25) cocoa, (26) kasoy, (27) black pepper, (28) iba-ibang uri ng saging, etc.
Bukod dito, puwede pang magtanim ng orchids, bromeliads at iba pang ornamentals ang bukid sa ilalim ng mga puno. Dagdag pa rito ang honeybee colonies sa mga kahon na bukod sa mahal ang benta ng pulot ay malaking tulong pa sa pagpabulaklak o pagpabunga sa lahat ng halaman. Dagdag pang aktibidad ang pagparami ng mushrooms o kabute sa mushroom houses sa ilalim ng mga puno. Ang mushrooms ay mamahaling sangkap sa pizza pie at iba-ibang klaseng ulam kaya madaling mabenta sa mga restaurant.
Ilang taon ang lilipas bago magbunga ang mga prutas, subali’t napakataas naman ng presyo ng mga bungang-kahoy pag ibinenta. Bebenta nang P50 hanggang P250 ang kilo ng prutas samantalang P20-P35 lang ang kilo ng palay at mais. Babawi lang ang palay at mais pag isinama ang binlid at durog na mais sa feeds ng mga manok, pugo, itik at baboy. Para sa mga puno, ang mga makabagong paraan tulad ng tamang pag-spray ng foliar fertilizer, insecticide at flower inducer, pagdilig, pagpungos ng dahon at pagpausok sa tamang panahon, ay tutulong upang saganang mamunga ng 2-3 beses taunan ang mga prutas tulad ng sa Thailand.
Sunday, November 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment