Sunday, November 22, 2009

MGA PUWEDENG ISUNOD NA MGA PROYEKTO NG GRUPO MO (Konklusyon):
Makikita sa mga posibleng industriyang ito na kayang-kaya ng mga Pinoy na tapusin ang malawakang kahirapan sa Pilipinas. Iyan ay kung matututo ang masang empleyado, manager at entreprenor na bumuo ng mga higanteng grupo na ang target ay pagnenegosyo nang pang-mundo at pandaang-taon. Kapag ang target ay matagalang negosyong pang-mundo, mawawala ang ‘kulturang alimango’ ng mga Pinoy kung saan naghihilahan sila pababa dahil kakaunti ang puwesto sa taas. Kapag pawang pang-mundo ang mga lokal na negosyo, walang katapusang trabahong pang superbisor, manager, lab researcher, consultant, propesyonal, espesyalista at iba pang may mataas na suweldong puwesto ang malilikha sa higit isandaang bansa para sa mga Pinoy. Hindi na kailangang magsikuhan ang mga Pinoy para sa iilang puwesto.
Mababawasan din ang sobra at sabog na direksyong pulitika kapag malaki ang kita ng masa sa pang-mundong negosyo pagka’t kaunti na lang ang magsisiksikan sa puwestong gobyerno. Maeengganyo ang masang Pinoy na maging direktang gobyerno sa tulong ng internet upang matapos na ang korapsyong tila walang solusyon sa Pilipinas. Isasabatas ng ‘gobyerno ng masa’ ang probisyong ilang daan o ilang libong pinuno ng malalaking grupong propesyonal ang mag-aaprub ng milyon o bilyong kuntratang-gobyerno. Kapag daan-daang ekspertong pawang may mataas na suweldo sa pribadong kumpanya ang pipirma para sa gobyerno, walang suhulang mangyayari.
Sa kasalukuyan, ang lahat ng kaunlarang ito ay mag-uumpisa kung gagawa ng paraan ang masa upang ipatupad ang isang Batas Pautang sa Masang Entreprenor. Ang batas na ito ay pupwersa sa gobyerno na ipautang ang 10% ng buwis at utang-gobyerno (higit P140 bilyon taun-taon) sa mga pang-mundong joint venture companies na itatayo ng malalaking grupong Pinoy. Ang batas na ito ay magkakalat sa mga Pinoy sa buong mundo hindi bilang mga tagapagsilbing mababa ang suweldo kundi bilang mga superbisor, manager, entreprenor, inhinyero, arkitekto, imbentor at espesyalista ng mga pang-mundong kumpanya.
Pinatunayan ng mauunlad na bansa na ang paglikha ng trilyong dolyar na taunang yaman ay nagsisimula sa pang-mundo at pandaang-taong mga negosyo. Samakatuwid, ang solusyon sa matinding kahirapan sa Pilipinas ay hindi ang paglipat ng yaman mula sa mayroon patungo sa wala kundi ang pagnenegosyo ng masa sa paraang pang-mundo at pandaang-taon. Sa estratehiyang ito, kritikal ang pamumuno ng masang empleyado, manager at maliliit na entreprenor bilang malalaking grupo.
SIMULAN NA! Nasa pagkilos ng grupo mo ang kaunlaran ng bansa!


No comments: