Sunday, November 22, 2009

MGA PUWEDENG ISUNOD NA MGA PROYEKTO NG GRUPO MO (Karugtong):
Narito ang ilang posibilidad para sa ating kilusan ng ‘masang entreprenor’:
(1) Ethanol distilleries: $10 milyon ang project cost ng isang distillery, at kailangan nito ng 5,000 ektarya o higit pang tanim ng sweet sorghum para sa 40,000 litrong arawang produksyon. Kalahati ng kapital ay maaring manggaling sa banyaga at puwedeng umutang ng makinaryang katumbas sa total na kapital. Ang tubo sa ethanol distillery ayon sa experyensya ng Brazil ay nakagugulat na 80% ng benta. Sa 40,000 litro kada araw, at P20 presyo kada litro, maaring tumubo ang destileriya ng higit P600,000 araw-araw. Kapag kinapos na sa lupang tatamnan ng sweet sorghum sa Pilipinas, maaring mag-expand ang mga destileriya sa buong Southeast Asia. Bilyones dolyares buwanan ang iaakyat ng ganito kalaking industriya sa masang Pinoy.
(2) Tour boat fleets: Kikita ng bilyones dolyares ang tour boat fleets kung 75% ethanol (25% gasoline) ang gagawing fuel ng mga makina ng mga lantsa. Maaring kapartner ng mga grupong Pinoy ang US boating groups upang magtayo ng tour boat and yacht fleets na iikot sa mga resort ng Southeast Asia. Ang ethanol engines ay ginagawa na sa Brazil, Europe at Japan. Puwedeng gawin ang mga ito ng isang Pinoy joint venture company. Hahakot ng turista, kapital, teknolohiya at pautang ang mga Amerikano na kapartner ng Pinoy groups. Ang higit 10 milyon Pinoys abroad ay dapat sumali dahil hahatak sila ng milyong kaibigang bakasyonista. Sa target na 20 milyon turista at ilang libong tour boat fleets (10-20 lantsa at yate kada fleet) na umiikot sa Southeast Asia, bilyones dolyares ang kikitain ng masang Pinoy taun-taon mula sa higanteng industriyang ito. Lalong bubuhos ang yaman sa masang Pinoy kung magtayo pa ng island resorts sa buong Coastal Asia ang joint ventures.
(3) Marine aquacultures: Aarkila ang joint venture company ng ilang libong kababawang dagat at pupunuin ito ng artificial reefs upang dumami ang mga isda at lamang dagat. Sa higit 200 milyon ektarya ng kababawang dagat ng Pilipinas, kikita ng bilyones dolyares ang joint ventures buwan-buwan mula sa export ng mga isdang bahura, alimango, alimasag, pusit, tuna, lobster, seaweeds, kabibe, perlas atbp.
(4) Mga pagawaan ng piyesa: Ang Pilipinas ay may higit 200 milyon tonelada ng reserbang nickel at chromite. Kaunti lang ng mga metal na ito ang ihalo sa imported carbon steel ay lilikha na ng napakamahal na stainless steel and alloy steels na panggawa ng libo-libong uri ng piyesa ng makinarya at konstruksyon. Meron ding 2 bilyon toneladang copper o tanso ang Pilipinas. Ang tanso ay ginagawang wire na pangunahing sangkap sa electric motors at transformers na nagpapatakbo ng makinarya ng mga pabrika, mga escalator, elevator at household appliances. Ang teknolohiya sa mga ito ay standard o pangkaraniwan na. Walang gagawin ang mga lokal na grupo kundi makisosyo sa mga banyagang kumpanya para makautang ng buo-buong planta mula sa mga industrialisadong bansa. Ang mga industriyang ito ay mag-aakyat din ng bilyones dolyares sa masang Pilipino buwan-buwan. Unang market ang nabanggit nang mga lokal na industriya. Ikalawa ang export.
(5) Libo-libo pang industriyang maiisip mo at ng higit 10 milyon Pinoys abroad.
(Itutuloy…)

No comments: